KALABOSO ang isang construction worker matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyon halaga ng shabu sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., nadiskubre ang shabu matapos tangkain ng naarestong suspek, na kinilalang si Roldan Magluyan, 27 anyos, ng Wood Craft St., Bayanihan Baesa, Brgy., 159 ng naturang lungsod, na takasan ang mga pulis na sumita sa kanya dahil sa hindi pagsuot ng face mask
Sinabi ni Col. Mina, dakong alas-10:30 ng gabi, nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 6 sa pangunguna ni PLt. Mel Soniega sa kahabaan ng Bayabas St., Brgy. 164 nang mapansin nila si Magluyan na gumagala sa lugar at walang suot na face mask.
Nang tawagin ng mga pulis ang suspek para alamin ang kanyang pagkakakilanlan at ipaalam sa kanya ang kanyang paglabag ay hindi sila pinansin ng suspek at sa halip ay tinangka nitong tumakas.
Hinabol siya nina PCpl Jemuel Pule at Pat. Joclark Cea hanggang sa masukol. Nang kapkapan ay nakuha sa suspek ang walong pirasong medium transparent plastic sachet na naglalaman ng tinatayang nasa 36.37 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P247,316.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (RPC) at RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

