Suspek, kulong matapos mahulihan ng baril at tangkang pagpatay sa call center agent

KULUNGAN ang kababagsakan ng isang lalaki na nagtangkang patayin ang isang call center agent at makuhanan pa ng baril sa Malabon City.

Ayon kay Malabon police chief Col. Albert Barot, ang suspek, na nakilalang si Nieva Domingo Jr., 39 anyos, ng Phase 2 Lot 253 Lupa St., Gozon Compd., Brgy., Tonsuya, ay nahaharap ngayon sa kasong Attempted Homicide at paglabag sa RA 10591 kaugnay ng Omnibus Election Code of the Philippines.

Ayon sa ulat ng mga imbestigador na sina PSSgt. Mardelio Osting at PSSgt. Diego Ngippol, naglalakad sa kahabaan ng Phase 3 Letre, Gozon Compd., Brgy. Tonsuya dakong alas-1:30 ng madaling araw at papauwi na galing sa kanyang trabaho bilang isang call canter agent si Luisito Fiel Jr., 28, residente rin sa naturang lugar nang harangin siya ng suspek na armado ng baril.

Biglang tinutukan ng baril ng suspek ang biktima sa hindi pa malamang dahilan. Sinunggaban naman ni Fiel ang baril hanggang sa pumutok ito subalit walang tinamaan sa kanilang dalawa.

Inawat naman ng mga kapitbahay at kanyang mga kaanak ang suspek habang tumakbo naman ang biktima para humingi ng tulong sa mga rumespondeng tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 na umaresto kay Domingo.

Narekober ng mga pulis ang isang Colt Automatic caliber 45 at apat na bala nito matapos isuko sa kanila ng mga kaanak ng suspek at nang hanapan ng mga kaukulang dukomento sa naturang baril ay walang naipakita si Domingo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.