Notoryus na “serial rapist” ng mga masahista, nadakma ng QC police

SA kulungan ng Police Station 7 Cubao-precinct ng Quezon City Police District (QCPD) bumagsak ang sinasabing ‘serial rapist’ ng mga masahista makaraang madakma ito sa bus terminal sa Pasay City, nang muling nambiktima sa isang apartelle sa Cubao, Quezon City.

Sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Brigadier General Danilo Macerin ang suspek ay nagpakilala bilang Marianito Sta Maria, alias “Robertson Bautista” at “Jayson Mallari”, 27, tubong Cavite at naninirahan sa JP Santos Street, Malibay, Pasay City.

Sa inisyal na ulat, bandang alas-5:04 ng umaga nitong araw ng Lunes, Disyembre 1, nagtungo umano ang biktimang freelance therapist sa Cubao Police Station upang maghain ng reklamo sa umanoy panghoholdap at pangagahasa sa kaniya ni Sta. Maria sa Room 306 Yale Apartelle sa E. Rodriguez, Cubao.

Ayon sa biktima, nagkakilala sila ng suspek sa social media at nang malaman na nagmamasahe siya ay nagpapaserbisyo ito ng dalawang oras na ventosa massage therapy sa nasabing apartelle.

Aniya, pagdating niya sa apartelle ay hiningan muna niya ng kabayaran si Sta. Maria subalit sinabi nito na nasa kotse ang kaniyang pera at ginamit pa ng kaniyang pinsan.

Nagtiwala naman ang biktima at minasahe niya ang suspek ng dalawang oras at nang matapos ay muli niyang hiningi ang bayad sa kaniyang serbisyo subalit sinabi umano ni Sta Maria na hindi agad makakarating ang kaniyang pinsan dahil nasangkot sa car accident.

Muli ay pinagmasahe pa umano siya ng suspek habang hinihintay nila ang kanyang pinsan pero nang muling hingin ng masahista ang bayad na P2,000 ay nagalit si Sta. Maria at tinutukan ito ng patalim.

Inutusan ni Sta. Maria ang masahista na ibigay sa kaniya ang pera at cellphone nito, at pagkatapos ay saka pinaghubad ang biktima at pinagsamantalahan.

Nang makalabas ng apartelle ay agad nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktima na agad namang nagsagawa ng man-hunt operation at naaresto ang suspek sa harap ng  Philtranco Bus Terminal along EDSA Malibay, Pasay City, bandang alas 3:40 ng madaling araw nitong Huwebes, (December 3).

Samantala, sa himpilan ng pulisya ay lumutang pa ang mahigit sa 20 mga masahista na naging biktima ni Sta. Maria at pareho umano ang ginawa nito sa huling biktima na matapos holdapin ay gagahasain pa bago tumakas. Kasong Robbery with multiple rape ang inihahandang kaso ng pulisya laban kay Sta. Maria.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.