BILANG bahagi sa mas pinaigting na kampanya kontra iligal na sugal ng Philippine National Police (PNP), pinangunahan kahapon nina Las Piñas City Vice-Mayor April Aguilar-Nery, National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director, Brigadier General Vicente Danao Jr., Southern Police District (SPD) District Director, Brig. General Emmanuel Peralta Jr., at Las Piñas City Police chief,Colonel Rodel Pastor, ang pagwasak sa mga nasamsam mga video karera at fruit game machines sa magkakahiwalay na anti-illegal gambling operations sa iba’t ibang lugar sa lungsod nitong buwan ng Setyembre hanggang Disyembre 2, 2020.
Bandang alas 9:30 ng umaga nang isa-isahing sirain o wasakin ng mga pulis gamit ang maso ang nasa 65 units ng video karera at fruit game machines sa harapan ng Las Piñas City Hall.
Ang pagwasak sa mga illegal gambling machines ay patunay sa seryosong pagtugon ng NCRPO na labanan ang illegal gambling gayundin ang pagpapalakas sa isinasagawa nitong anti-illegal drugs campaign sa Metro Manila.
Samantala, pormal na itinurn over nina City Mayor Imelda Mel Aguilar at Vice-Mayor Aguilar-Nery sa tatlong units’ ng electric tricycle o e-trike kay B/Gen Danao na tulong ng lokal na pamahalaan sa pulisya para sa pagpapaigting ng pagpapatrulya sa mga nasasakupang lugar at pagbibigay ng seguridad sa publiko.
Binigyang diin ni Danao ang pagpapaigting sa anti-illegal gambling operations sa Metro Manila partikular na ang pagtutok laban sa operasyon ng mga video karera at fruit game machines na karamihan ay ang mga kabataan ang nagiging biktima dahil malimit sa ganitong iligal na sugal na kailangang masagip at masawata sa ganitong masamang gawain.
Tiniyak ng NCRPO ang seguridad at proteksiyon ng publiko sa Metro Manila kabilang ang Las Piñas City, ngayong Kapaskuhan.
Asahan na rin ang mas maraming bilang ng mga pulis na ipapakalat sa Metro Manila upang siguruhin din na maipatutupad ang istriktong minimum health standards gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield,pag-obserba sa physical distancing at ang malimit na paghuhugas at pagsasanitize ng mga kamay upang maiwasan ang pagkalat ng Coronavirus Disease (COVID-19).