Norwegian, timbog sa P56.7-milyong shabu sa NAIA

Share this information:

TINATAYANG aabot sa 8.34 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P56.7 milyon ang nasabat mula sa isang pasaherong Norwegian sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.

Ito ay sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng mga operatiba mula sa Bureau of Customs-Port of Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA-Inter Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG).

Inalerto ng X-ray agent ang BOC-NAIA at PDEA personnel tungkol sa isang screened baggage sa Terminal 3 na pinaniniwalaang naglalaman ng ilegal na droga.

Ayon sa BOC, nagmula ang pasahero sa Dubai via Emirates Airlines EK334. Ang point of origin ay mula sa Johannesburg, South Africa. 

Nang inspeksyunin ang laman ng luggage, natuklasan ang ilang kilo ng shabu.

Kakasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, at RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) ang dayuhan.  

Noong Agosto ng taong ito, inaresto rin ng mga awtoridad ang isang pasahero mula sa South Africa na nagtangkang magdala ng P144.3 milyong halaga ng shabu. 

Ang BOC, sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz, ay nangangako na protektahan ang bansa laban sa pagpasok ng mga ilegal na produkto na naaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

Sinabi ng BOC NAIA na patuloy nitong poprotektahan ang mga hangganan at patuloy na makikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya para palakasin ang kampanya laban sa ilegal na droga.

(PHOTO CREDIT: Bureau of Customs)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.