ANG ipinapanukalang pagpapatupad ng “No Vax, No Labas policy” para sa National Capital Region (NCR) ay posibleng talakayin ng Inter-Agency Task Force o IATF sa kanilang pulong bukas, Enero 6.
Ayon sa pahayag ni Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles sa ginanap na Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi, ang rekomendasyon ni National Task Force against COVID-19 deputy chief implementer Sec. Vince Dizon ay gawin nang nationwide ang limitasyon sa “mobility” para sa mga hindi pa bakunado kontra COVID-19.
Ito ay sa gitna ng pagtaas na naman ng mga bagong kaso ng COVID-19 at banta ng Omicron variant.
Sinabi ni Nograles na ang paksang ito ay posibleng isa sa mga talakayin ng IATF at maglalabas na lamang ng anunsiyo anuman ang magiging pasya.
Sa naturang Talk to the People ay pinuri din ni Dizon ang patakarang no vax, no labas na ginawa ng mga alkalde Metro Manila.
Punto ni Dizon ay hindi malayo na kumalat na sa buong bansa ang Omicron variant ng COVID-19, kaya mainam na ipatupad ang nabanggit na patakaran sa buong bansa kahit sa mga lugar na hindi pa nagsu-surge ang mga kaso.
Ang naturang rekomendasyon ay kinatigan din nina Department of Health Sec. Francisco Duque III, vaccine czar Carlito Galvez Jr. at Department of National Defense Sec. Delfin Lorenzana.

