NASA halos 60 na mga tauhan ng railway system sa bansa ang nagpositibo sa COVID-19 RT-PCR test.
Ito ang pahayag ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Jonathan Batan sa Laging Handa public briefing, kung saan batay sa pinakahuling bilang kahapon ay nasa 1,709 na mga tauhan ng railway system ang sumailalim sa antigen test.
Nasa 345 dito ang nagpositibo base sa antigen test, at nang sumailalim sa RT-PCR “confirmatory test” ay nasa 56 ang kumpirmadong nagpositibo sa COVID-19.
Ang mga naturang kawani ay mula sa MRT-3, Philippine National Railways (PNR), at LRT Line 1 at 2.
Sinabi ni Batan na batay sa direktiba ni DOTr Sec. Arthur Tugade ay magpapatuloy sa buong linggo ang COVID-19 testing sa mga kawani, na isa sa mga hakbang upang maprotektahan ang mga pasahero at pati na ang mga railway personnel.
Ang mga magpopositibo ay isasailalim sa quarantine at bibigyan ng naaayon na lunas, dagdag pa ni Batan.
Tiniyak naman ng opisyal na hindi maaapektuhan ang operasyon ng railway system sa bansa sa kabila ng mga naitalang kaso ng COVID-19, pero mas mahigpit na ang gagawing pagpapatupad ng minimum public health standards.

