Negosyante umalma sa “biased” at maling report ni Erwin Tulfo

Nakatakdang sampahan ng kasong criminal sa korte ng isang negosyante ang broadcast journalist na si Erwin Tulfo dahil sa paghahayag nito ng maling report sa kanyang programa sa telebisyon.

Umalma sa report ni Tulfo sa kanyang programang “Tutok Tulfo” ang nasabing negosyante na si Melchor Tayag ng mapanood nito sa ere ang kanyang larawan at tinutukoy na siya ang Filipino-Chinese na si “Irwin Chua” na nagmamay-ari ng Real Steel Corporation (RSC) na matatagpuan sa San Simon, Pampanga at kasalukuyang iniimbestigahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) dahil sa paglabag sa labor laws.

Ayon kay Tayag, na dating municipal environment officer, tatlong taon ng nakakalipas ang larawang inilathala sa programa ni Tulfo at itoy kuha sa session hall ng San Simon.

“It’s a big mistake. That photo is me and not Erwin Chua. Now, I and my family fear for my safety because of the mistaken identity,” ani Tayag.

Giit pa nito, ang mga taong kasama umano niya sa litratong naipalabas sa programa ni Tulfo sa telebisyon ay hindi ang mga nagrereklamong mga empleyado sa Real Steel.

Nabatid na nahaharap sa imbestigasyon ng DOLE ang RSC Corporation makaraang magreklamo ang nasa 42 trabahador nito dahil hindi ito pinalalabas ng 6 buwan sa planta at pagmamaltrato sa kanila ng ilang Chinese na nagmamay-ari ng kumpanya kabilang na si Irwin Chua.

Mariin naman itinanggi ng pamunuan ng RSC Corporation ang mga alegasyon ng kanilang mga manggagawa at bukas ang kanilang tanggapan sa anumang imbestigasyon.

Sinabi naman ni Melodie Arellano, general manager ng RSC, kung kilala talaga ng mga nagrereklamong manggagawa si Chua ay bakit mali anya ang litratong ibinigay kay Tulfo habang sa parte naman ng staff ni Tulfo ay dapat nai double check nila ng maayos ang nakalap nilang dokumento.

“How could Sir Tulfo believe the other complaints of the workers when they don’t even know how Mr. Chua looks?,” ani Arellano.

Nangangamba naman si Tayag sa kaniyang seguridad dahil kung may mga taong galit at nais gawan ng masama si Chua ay siya ang mapagkakamalan ng mga ito dahil sa pagkakalathala ng kanyang larawan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.