Ex-sekyu na nasa drug watch list, patay sa pamamaril

Isang dating security guard, na sinasabing kasama sa barangay drug watch list ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng dalawang hindi pa tukoy na mga salarin sa Pandacan, Maynila.

Dead on arrival sa Ospital ng Maynila ang biktima na nakilalang si Edgardo De Vera Jr., 32, at residente ng 1916 Obesis Street, Pandacan.

Batay sa pagsisiyasat ni Police Staff Sgt. Jansen Rey San Pedro ng Manila Police District-  Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), dakong 12:00 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa tapat ng 1922 Bo. Banana Street, Pandacan.

Ayon kay Larry Mirasol, Barangay Ex- O ng Barangay 844, kasalukuyan silang nagsasagawa ng pagpapatrulya sa lugar nang makita nila ang biktima habang hinahabol ng dalawang lalaki na pawang nakasuot ng itim na jacket at naka-bonnet.

Kaagad umano nilang sinundan ang habulan, na umabot hanggang sa iskinita ng Bo. Banana.

Gayunman, dito na nila nakitang nakahandusay na ang biktima, na agaw-buhay na at may tama ng bala sa kanang bahagi ng dibdib.

Isinakay umano nila ang biktima sa tricycle patrol at saka isinugod sa pagamutan ngunit binawian rin ito ng buhay.

Masusi naman nang iniimbestigahan ng pulisya ang krimen upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek, gayundin ang motibo sa pagpaslang.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.