Mahigit sa 100 libong residente ng Maynila, o 112,795, ang nakapagpa-rehistro na para sa vaccination program ng pamahalaang lungsod kontra COVID-19.
Ayon ito kay Manila Mayor Francisco Domagoso, kung saan ang mga residente ay nagpalista sa pamamagitan ng “pre-online registration.”
Sinabi ng alkalde na sa sandaling matapos na ang inoculation sa mga healthcare workers o mga pangunahing prayoridad ay susunod na ang mga nagpalista na mga residente ng Maynila.
Muli namang hinikayat ng alkalde ang mga Manilenyo na magparehistro na sa http://www.manilacovid19vaccine.com at huwag nang sayangin ang pagkakataon dahil ang mga bakuna ay dagdag proteksiyon para sa kanila.
Sa Maynila, nabakunahan na kontra COVID-19 ang nasa 7,984 frontline workers batay sa pinakahuling tala ng Manila Health Department (MHD).
Kabilang sa mga nabakunahan ang ilang healthcare workers, social workers, contact tracers, jail officers at mga miyembro ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) sa Maynila.
Nasa 1,146 sa kanila ang nakatanggap ng AstraZeneca vaccines sa Ospital ng Maynila Medical Center.
Patuloy naman na hinihikayat ni Domagoso ang mga frontline workers na magpabakuna lalo na’t limitado pa ang bilang ng mga bakuna na darating sa bansa.