NASA mahigit anim na libo o kabuuang 6,666 ang nadagdag na bagong kaso ng COVID-19 sa buong bansa ngayong araw, mas mataas sa naitala ng Department of Health (DOH) na 5,867 na bagong COVID-19 cases kahapon.
Sa ngayon ay umaabot na sa 684,311 ang kabuuang bilang ng confirmed COVID-19 cases, batay sa Case Bulletin No. 375 ng DOH.
Sa nasabing bilang, 91,754 ang active cases o patuloy pang nagpapagaling o 13.4 percent ng total confirmed cases at mas mataas ito kumpara sa 86,200 active cases kahapon.
Nasa 1,072 naman ang naitala na bagong gumaling kaya’t nasa 579,518 na ang total recoveries o 84.7 percent. Kahapon ay nakapagtala ng 620 recoveries.
Samantala, apatnapu’t-pitong pasyente naman ang nadagdag ngayong araw sa bilang ng mga pumanaw sa sakit kaya’t nasa 13,039 na ang kabuuang bilang ng mga namatay dahil sa virus infection o 1.91 percent ng total confirmed cases.
Kahapon ay nakapagtala ang DOH ng dalawampung nasawi dahil sa COVID-19.
Patuloy na ipinapayo ng DOH na sundin ang minimum public health standards at safety protocols gaya ng tamang pagsusuot ng face mask at face shield, paghuhugas ng kamay, physical distancing, at huwag hihigit sa 30 minuto ng pananatili sa isang lugar na may mga tao. Piliin ding manatili na lamang sa tahanan kung hindi naman mahalaga o essential ang gagawin at tiyakin na sapat ang daloy ng hangin sa labas ng bahay.