NASA malubhang kalagayan ngayon ang isang mister matapos itong saksakin ng isang ginang makaraang makisawsaw ang biktima sa away ng kanyang kaibigan at live-in partner ng suspek sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Inoobserbahan ngayon sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa kanang dibdib ang biktimang si Leonardo Tiangco Jr, 40 anyos, mangingisda, ng No. 15B Panatihan 2, Naval Street, Brgy. Flores.
Kinilala naman ni Malabon Police Sub-Station 7 chief P/Major Patrick Alvarado ang suspek na si Rosario Dela Cruz Aragon, 40 anyos, ng No. 18A Pantihan 2, Brgy. Flores.
Sa report nina PSSgt. Ernie Baroy at PSSgt. Mardelio Osting kay Malabon police chief Col. Albert Barot, habang naglalakad ang biktima sa kahabaan ng Pantihan Street pauwi dakong alas-11:35 ng gabi nang makita nito ang kanyang kaibigan na nakikipag-away sa live-in partner ng suspek.
Dito, nakisawsaw umano ang biktima sa away na naging dahilan upang magalit ang suspek at kumuha ng isang matulis na metal na bagay saka tinarakan sa kanang dibdib si Tiangco.
Nang malaman ng mga tauhan ng Sub-Station 7 ang insidente ay mabilis silang rumesponde sa lugar, kasama ang mga barangay tanod na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek habang isinugod naman nila ang biktima sa naturang pagamutan.
