Mag live-in partner, timbog sa buy-bust sa Valenzuela

Share this information:

SA malamig na kulungan ang bagsak ng isang umano’y tulak ng ilegal na droga at ang kanyang live-in partner matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PLt. Joel Madregalejo, hepe ng Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang naarestong mga suspek na si Ronald Sevadere, 41 anyos, isang mekaniko, at ang kanyang live-in partner na si Marycris Mariano, 39 anyos.

Sa ulat ni SDEU investigator PCpl. Pamela Joy Catalla kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr., dakong alas-11:45 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLt. Madregalejo ng buy-bust operation sa bahay ng mga suspek sa No. 1204 Bario Bitik, Brgy. Gen T. De Leon.

Nagawang makipagtransaksyon ni PCpl. Maverick Jake Perez bilang poseur-buyer sa mga suspek ng P5,500 halaga ng droga.

Matapos matanggap ang hudyat mula kay PCpl. Perez na nakabili na siya ng droga ay agad lumapit ang back-up na si PCpl. Noriel Boco saka inaresto nila ang mga suspek.

Narekober sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 25 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P170,000, buy-bust money na isang tunay na P500 bill at 10 pirasong P500 boodle money, P1,000 cash, cellphone at coin purse.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.