Arestado ang isang indibidwal na nagpapanggap na empleyado ng National Bureau of Investigation (NBI) at nangingikil sa isang NBI clearance applicant.
Ayon kay NBI Officer-in-Charge (OIC)-Director Eric Distor, inaresto ng NBI-Special Action Unit (NBI-SAU) ang suspek na si Mark Endaya Cabal sa loob ng NBI headquarters sa Maynila.
Nag-ugat ang reklamo laban kay Cabal nang magsumbong ang isang complainant na kanyang nakilala sa labas ng NBI Clearance Building.
Nakasuot umano ng NBI polo shirt ang suspek kaya inakala ng biktima na ito ay kawani ng ahensya kaya dito nagtanong kong saan makakakuha ng NBI clearance.
Inalok umano ng suspek ang complainant na tutulungang makakuha ng NBI clearance nang sabihin mayroon itong pending drug case na may warrant of arrest.
Tinakot pa ng suspek ang biktima na siya ay maaaresto kapag hindi ito nagbigay ng P100,000.
Dahil dito, bumalik kinabuksan ang biktima at nagbigay ng P40,000 kay Cabal ngunit patuloy ang kanyang pananakot na maaring hindi lamang siya makulong kundi maaari din siyang mapatay dahil sa pagkakasangkot nito sa droga.
Nakiusap naman ang biktima na bigyan pa siya ng isang linggo upang makapaghanap ng karagdagang P60,000.
Sa tulong naman at payo ng kanyang mga kaibigan, dumulog ito sa NBI-SAU upang maghain ng reklamo laban sa suspek at agad na ikinasa ang entrapment operation kung saan nagkita ang dalawa sa loob ng NBI Headquarters parking lot.
Nang maiabot na ng biktima ang pera kay Cabal ay dito na kumilos ang mga ahente ng NBI at dinakma ang suspek.
Narekober sa suspek ang ilang sachet ng shabu.
Lumalabas din sa beripikasyon ng NBI-SAU na maraming reklamong kinakaharap ang suspsek sa kasong Robbery/Extortion at Estafa.