MULING magbubukas sa publiko ang Museo Pambata, ang kauna-unahang children’s museum sa Biyernes, Disyembre 6, o ilang araw matapos ang pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo nito.
Isasagawa ang muling pagbubukas ng museum makaraan itong ipasara dalawang taon na ang nakalilipas o noong panahon ng pandemya.
Bukod dito, sumailalim din ito sa renovation. Ito ang ibinahagi ni Museo Pambata President Bambi Mañosa-Tanjutco, kung saan kinailangang kumpunihin ang bubong ng museum dahil sa mga tagas.
Pininturahan din ang pader habang naglagay naman ng mga bagong ilaw ang pasilidad upang mas maliwanag ang espasyo nito.
Sinabi ni Tanjutco na maaaring tingnan ng mga bisita ang isang bagong bahagi ng museum na tinatawag na Balay Yatu, kung saan itinatampok ang mga likhang sining na gawa ng mga kabataan mula sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa bukod pa sa museum mainstays tulad ng modelo ng Spanish galleon at tranvia.
Bukas ang Museo Pambata mula Biyernes hanggang Linggo, alas 10 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon, at may entrance fee na P450.
Ang Museo Pambata ay matatagpuan sa Roxas Boulevard corner South Drive, Ermita, Manila.
(PHOTO CREDIT: Museo Pambata Facebook page)

