SIMULA sa Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2 ay wala munang operasyon ang MRT-3.
Batay sa abiso ng pangasiwaan ng MRT 3, ang temporary shutdown ay upang bigyang-daan ang gagawing bushing replacement sa depot at turnout activity sa Taft Avenue station.
Bahagi ng gagawing bushing replacement ng 34.5-kilovolt alternating current (kV AC) switch gear ay ang pagsasayos ng bus tie na nagbibigay ng suplay ng kuryente sa depot mula sa power source nito sa Balintawak at Diliman, at pagkukumpuni ng isang panel na mayroong 12 bushing unit.
Sa kabilang banda, ipagpapatuloy rin ang isinasagawang pagsasaayos at pagpapalit ng mga turnouts sa Taft Avenue station.
Ang mga turnout ay ginagamit upang makalipat ang isang tren mula sa isang track patungo sa ibang track.
Noong ika-1 ng Oktubre ay iniakyat na ng MRT-3 ang train running speed nito sa 40kph mula sa dating 30kph.
Target na maiakyat pa ito sa 50kph sa Nobyembre at 60kph sa Disyembre, oras na matapos ang pagsasaayos ng turnouts.