Magat Dam sa Isabela magpapakawala ng tubig

MAGPAPAKAWALA ng tubig mamayang alas-kuwatro ng hapon ang Magat dam sa Isabela dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig nito.

Batay ito sa ipinalabas na abiso ng Dam and Reservoir Division ng National Irrigation Administration.

Iyan ay bilang paghahanda sa posibleng malaking daloy ng tubig sa watershed ng Magat dam mula sa naipong ulan sa kabundukan kasunod ng pagdaan ng bagyong Pepito.

Nabatid din mula kay Oyie Pagulayan, ang hydrologist ng PAGASA, bubuksan ng isang metro ang gate 4 ng Magat dam at magpapakawala ng tinatayang 200 cubic meters per seconds ng tubig.

Sinabi ni Pagulayan na mula sa 187.98 meters na elevation ng tubig sa Magat dam kaninang alas-sais ng umaga, ngayong alas-3 ng hapon ay nasa 190.10 meters na ito.

Dahil aniya sa mabilis na pagtaas ng tubig at may inaasahan pang heavy inflow kaya’t kinakailangan nang magpakawala ngayon ng tubig upang maiwasan ang pag-apaw nito.

Gayunman, sinabi ni Pagulayan na kahapon pa sila nagpalabas ng abiso patungkol sa posibilidad na pagpapakawala tubig mula sa Magat dam.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.