Patay ang isang motorcycle-rider matapos barilin ng hindi pa mabatid na dalawang lalaking sakay sa motorsiklo sa Valenzuela City.
Dead on the spot sa lugar ng krimen bunsod ng tinamong tama ng bala ng baril sa likod ang biktima na nakilalang si Luigi Hernando.
Sa kuha ng CCTV camera, makikitang binabagtas ng biktima ang kahabaan ng Paso De Blas Road, Barangay Paso De Blas lulan sa kanyang motorsiklo ng mula sa likod nito ay binaril siya ng malapitan ng isang lalaki na naka angkas sa isang motorsiklo na sumusunod sa kanya.
Pagbagsak ng biktima, kaagad bumaba ang mga suspek at kinuha ng isa ang bag na naglalaman ng hindi pa mabatid na halaga ng salapi habang sinakyan naman ng isa pa ang motorsiklo ni Hernando bago mabilis na nagsitakas.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon, galing umano sa bangko ang biktima at nag-withdraw ng pera na posibleng holdap ang tunay na pakay ng mga suspek.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para kilalanin ang nasa likod ng krimen.