NAGPASYA ang Commission on Elections (Comelec) na iurong ang planong “mock elections” sa Enero 25 matapos magpalabas ng “temporary restraining order” ang Korte Suprema laban sa diskwalipikasyon ng ilang kandidato.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, umaasa silang natapos na ang mga babaguhing database election maangement system at pagse-serialize ng mga pangalan ng nga kandidato pati ang pagbabago ng mahigit 1,000 na ballot face template sa buong bansa.
Nitong Martes, sinuspinde ng Comelec ang pag-imprenta ng balota matapos maglabas ng desisyon ang Korte Suprema na nagpapatigil sa poll body sa diskwalipikasyon ng limang kandidato para sa 2025 national at local election.
Bukod sa mga balota at mock elections, gumawa ang Comelec ng mga pagsasaayos sa database ng mga kandidato, election management system (EMS), automated counting machine (ACM), at consolidation and canvassing system (CCS).
Nakabuo ang Comelec ng 1,667 ballot face templates na sumasalamin sa desisyon ng Korte Suprema, gumawa ng imbentaryo ng lahat ng nakalimbag na balota, at nagsagawa ng pag-aaral kung ang mga pagbabago sa EMS ay nangangailangan ng isa pang Trust Build.
Bukod dito, kinansela rin ng Comelec ang live test para sa pinagkakatiwalaang build ng online voting and counting system (OVCS).
