NAGKASUNDO ang Metro Manila Council (MMC) at ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na magtatag ng isang technical working group (TWG) upang tugunan ang mga isyu na may kinalaman sa pagpaparada sa mga pampublikong kalsada sa National Capital Region (NCR).
Alinsunod ang inisyatibong ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na panatilihin ang integridad na maging maluwag ang kalsada.
Pinangunahan ni MMDA Chairman Atty. Don Artes, DILG Secretary Jonvic Remulla, at re-elected MMC President San Juan City Mayor Francis Zamora ang pagpupulong na ginanap sa PNP Multi-Purpose Hall sa Camp Crame, Quezon City.
Iminungkahi ng DILG na ipagbawal ang pagparada sa lahat ng pampublikong kalye mula alas 5:00 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi.
Sa kabilang banda iminungkahi ni MMDA chief ang pagpapatupad ng pagbabawal ng pagpaparada sa lahat ng pampublikong kalye, na naaayon sa pinalawak na scheme ng number coding ng MMDA, mula 7:00 ng umaga hanggang 10:00 ng umaga at 5:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi.
Humingi ng suhestyon at feedback ang MMDA at DILG mula sa mga lokal na pinuno ng Metro Manila, at lahat ng partido ay nagkasundong bumuo ng isang TWG para pag-aralan pa ang bagay.
Sa darating na Setyembre 1 ay maglalabas ng final version.
Sinabi rin ni Artes ang isang desisyon ng Korte Suprema (SC) sa isang petisyon na inihain ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), na nagsasabi na ang MMDA ay may eksklusibong awtoridad upang ipatupad ang mga batas sa trapiko, mga patakaran, at regulasyon na ang mga lokal na yunit ng pamahalaan sa Metro Manila ay maaaring lumahok sa mga function na ito lamang kapag ang kanilang mga tagapagpatupad ng trapiko ay binigyang kapangyarihan ng MMDA.
Binubuo ang MMC ng 17 alkalde ng Metro Manila, ang namumuno at gumagawa ng patakaran ng MMDA.

