Misa sa Quiapo sa Ash Wednesday, napanatili pa din ang social distancing

Maraming mananampalatayang Katoliko  ang dumalo sa misa sa Quiapo church sa Maynila kahapon bilang pag-gunita Ash Wednesday o “Miyerkules de Ceniza” o Miyerkules ng Abo at siyang hudyat ng pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma.

Malaking tulong din ang pag-apruba ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa pagtataas sa 50-porsyentong kapasidad para sa pagsasagawa ng religious activities  dahil mas marami na ang nakakadalo  sa mga banal na misa.

Tiniyak naman ng pamunuan ng simbahan ng Quiapo  na sinusunod nila ang itinakdang kapasidad, gayundin ang pagpapatupad ng health at safety  protocols upang matiyak na hindi magkukumpolan ang mga deboto sa simbahan.

Ang mga hindi nakapasok sa loob ay minabuting sa Plaza Miranda na lamang makinig ng misa habang ang iba naman ay nasa gilid ng simbahan sa bahagi ng Quezon Boulevard.

Sinabi naman ni Rev. Franklin Villaueva sa kanyang homiliya na ang Kuwaresma ay pagbabagong-buhay at kapag nagkasala ay importanteng magsisi at humingi ng kapatawaran.

Ang abo ay hindi naman ipinahid sa noo kundi ibinudbod ito sa ulo bilang pag-iingat at makaiwas sa physical contact.

Sang-ayon naman ang mga deboto sa pagbubudbod ng abo sa ulo dahil makakabuti umano ito para sa makaiwas nga sa physical contact.

Ang banal na isa ay nagsimula alas 4 ng madaling araw at ang huling misa ay ginanap alas 8 ng gabi.

Nilinaw  naman ni  Father Douglas Badong na hindi dagsa ang mga tao  ngunit marami aniya at sakto  lang  para masunod ang social distancing.

“Hindi naman po  dagsa mga tao. Maraming tao pero hindi po dagsa. Eksakto lang po para maintindihan  ang social distancing. Maayos naman po at cooperative mga tao nagsisimba so far,” ayon sa text message ni Fr. Douglas Badong. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.