Minero, nalibing ng buhay sa gumuhong mining site sa Bataan

EXCLUSIVE!

HERMOSA, Bataan – Nalibing ng buhay ang isang 54 anyos na minero makaraan na ang kanyang pinaghuhukayan na isang treasure hunting site ay gumuho sa Barangay Sto. Cristo, Hermosa, Bataan Lunes ng hapon.

Sa inisyal na ulat mula kay Police Major Jeffrey Onde, Hermosa chief of police, nakilala ang biktimang si Marcos Nolasco, residente ng San Jose Del Monte, Bulacan.

Ayon sa imbestigasyon, ganap na 2:30 ng hapon nang gumuho ang lupa sa gilid mula sa 20 talampakang lalim na hukay na pinagtatrabahuhan ng biktima.

Nabatid sa pulisya na pagmamay-ari ng isang Lucile Basi Enriquez ang lugar na pinagmiminahan ni Nolasco.

Ayon sa anak ng biktima na si Alvin, kasama ang dalawa pang trabahador, ay sinubukan umano nilang iligtas ang kanyang ama subalit bigo sila dahil natabunan na ito ng maraming lupa at tubig.

Kaagad humingi ng tulong sa Hermosa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang mga kasamahan nito at pasado alas sais na ng gabi nang ihinto muna ang paghuhukay.

Ayon sa ilang source, posible umanong treasure hunting ang pakay sa naturang paghuhukay.

Kilala ang Bataan na maraming mga nakabaong mga ginto sa iba’t ibang lugar na bahagi umano ng pamosong Yamashita treasures na pinaniniwalaang ibinaon noon sa kasagsagan ng World War 2.

Hinala ng mga awtoridad na bumigay ang lupa at tuluyang gumuho sa kinaroroonan ni Nolasco dahil na rin sa mga malalakas na pag-uulan bunsod ng ‘Habagat’.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.