Mga vendor sa Divisoria, sususpendihin kapag nakitang “dugyot” sa pagtitinda

Sususpendihin ang pagtitinda ng mga vendor sa lungsod ng Maynila kapag mahuling dugyot sa kanilang mga puwesto sa mga pampublikong pamilihan, partikular sa Divisoria.

Alinsunod na rin ito sa kautusan ni Manila Mayor Francisco Domagoso na panatilihin ang kaayusan at kalinisan sa mga palengke.

Napag-alaman na mismong  ang  Dagupan Outpost ng Moriones Tondo Police Station ang nagsuspindi ng  Divisoria Night Market vendors mula C. M. Recto corner Juan Luna hanggang C. M. Recto corner Ilaya.

Ayon kay Domagoso, sinuspinde ng tatlong araw ang mga nasabing vendor dahil sa naiiwan umano nilang “cluttered waste” katulad ng hasang at kaliskis ng isda at mga plastik.

Sa  loob aniya  ng tatlong araw na pagkakasuspinde ng night market ay nagsagawa naman ng declogging operation ang Barangay 7, na inasistehan naman ng MPD-Dagupan Outpost sa pamumuno ni P/SMsgt. Gerardo Tubera.

Pinabalik din naman umano ang mga vendor sa Divisoria Night Maret matapos ang tatlong araw kung saan sila ay nangakong lilinisin na ang kanilang mga estasyon bago at pagkatapos ng oras ng pagtitinda upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan dito, ayon sa alkalde.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Tubera ang mga manininda sa nasabing night market na panatilihin nila ang kaayusan at kalinisan sa kanilang mga pwesto dahil hindi umano ito mangingiming suspendihin uli ang mga susuway sa nasabing polisiya. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.