PORMAL na inilunsad sa bayan ng Abucay, Bataan ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD Program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Inilunsad ang programa nitong nakaraang Sabado, na dinaluhan ng ilang piling mga opisyal ng bayan.
Sa kabuuan ayon kay Atty. Tony Roman III, na siyang kumatawan kay Bataan 1st District Representative Geraldine Roman na kasalukuyang nasa ibang bansa, mayroon nang 300 TUPAD beneficiaries mula sa bayan ng Abucay para sa 2nd batch ng TUPAD sa Unang Distrito ng Bataan.
Kasama ang DOLE personnel, hinati sa 5 batches ang mga TUPAD beneficiaries para sa isinagawang orientation.
Ang TUPAD ay isang cash-for-work o emergency employment program ng DOLE para sa mga manggagawang nasa informal sector kagaya ng underemployed o self-employed workers, na nawalan o naapektuhan ang kabuhayan o kita dahil sa sakuna, kalamidad o dahil sa pagpapatupad ng gobyerno ng Enhanced Community Quarantine para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
“Makakaasa po kayo na patuloy ang pagbibigay at paghahatid natin ng mga programa at proyektong makakatulong sa ating mga kababayan,” pahayag ni Congresswoman Roman sa kanyang Facebook page.

