DUMAGSA ang mga senior citizen sa tanggapan ng Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA) ng lungsod ng Maynila makaraaang matanggal ang kanilang mga pangalan sa database ng mga makakatanggap ng pensiyon ngayong Disyembre.
Ayon sa mga senior citizen mula sa District 1 at District 2, nagulat na lamang sila nang malaman sa kanilang barangay na hindi na sila kasali sa listahan kahit na kuwalipikado sila.
“Kuwalipikado naman kami, nakaboto ng nagdaang halalan at dito naninirahan pero naalis sa listahan ang mga pangalan namin at yung mga matagal ng namatay ay nailagay,” pahayag ng isang kuwalipikadong benepisyaryo sa OSCA.
Ang kanilang paglusob sa city hall ay kasabay nang pagsisimula ng pamamahagi ng allowance sa mga kuwalipikadong seniors mula District 1 hanggang District 6 matapos malaman na naalis na sila sa listahan
Kasama sa ibibigay ang mga buwan ng Setyembre, Oktubre, Nobyembre at Disyembre para sa kabuuang halagang P2,000.
Itinuro ng mga taga-OSCA ang mga opisyal ng barangay na nagpapasa ng listahan na siya umanong pinagbabasehan nila sa mga benepisaryo.
Ngunit ayon sa isang kagawad ng barangay na hindi nagpabanggit ng pangalan, tama at kumpleto ang isinumite nilang mga pangalan pero pagdating sa database ng OSCA ay nawawala na ang ilang pangalan habang ang iba ay may nakalagay na asterisk.
Pinayuhan naman ng OSCA ang mga senior citizen na nawala sa listahan na magtungo sa kanilang karugtong na tanggapan sa Freedom Hall sa loob ng Manila City Hall upang doon magtanong at dalhin ang kanilang Senior Citizen ID at tatlong photocopy nito na may tatlong lagda.
Hindi umano pwede na mag-proxy ang anak o kahit sinong kaanak ng senior na kumatawan sa kanya para maayos na maproseso ang reklamo at ang pension.