Mga residente sa Taal Volcano Island puwersahang inilikas dahil sa pagtaas ng mga aktibidad sa bulkan

Share this information:

PUWERSAHANG ipinalikas ang mga residente sa Taal Volcano Island dahil sa pagtaas ng mga aktibidad ng bulkang Taal sa mga nakalipas na araw.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng bayan ng Agoncillo sa Batangas, mahigpit na ring ipinagbabawal ang pagtawid sa isla dahil sa posibleng panganib na magkaroon ng pagsabog.

“Pwersahan pong pinalilikas ang mga taong nasa pulo at mahigpit pa rin pong ipinagbabawal sa ating mga kababayan ang paglapit at manatili sa mismong isla dahil sa nakaambang panganib,” ayon sa Agoncillo MDRRMO.

“Pinapayuhan pa rin po ang publiko na ibayong pag-iingat at maging alerto, handa sa lahat ng oras. Ipagdasal po natin na sana ay huwag ng lumala pa ang sitwasyon at kalagayan ng ating mahal na Bulkang Taal,” dagdag ng abiso.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council media liaison officer Easha Mariano, dalawang sitio sa bayan ng Talisay ang pinalilikas na rin.

“We received initial info na on-going ang evacuation sa mga residenteng na nasa Taal volcano mismo na dapat No Man’s land kaya kailangan sila palikasin. Ang mga pinapalikas ay mula sa dalawang sitio ng Municipality of Talisay,” mensahe ni Mariano.

“This order is for precautionary measure done in line with the recent activities of the volcano pero hindi ‘naga-alburuto’ po ang Taal,” dagdag paglilinaw nito.

Sa ngayon ay nananatiling nasa Alert Level 1 ang Taal Volcano.

Huling nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng 98 tremor activities sa bulkan nitong Martes. Tumatagal umano ng lima hanggang 12 minuto ang volcanic earthquakes. May nakikita ring pagbuga ng usok na may taas na hanggang 5 metro sa main crater nito.

“Ground deformation parameters from continuous electronic tilt on Volcano Island record a slight deflation around the Main Crater since October 2020 but overall, very slow and steady inflation of the Taal region has been recorded by continuous GPS data after the eruption,” ayon sa bulletin ng PHIVOLCS.

Paalala ng PHIVOLCS, may posibilidad na magkaroon ng phreatic explosions at volcanic earthquakes, gayundin ang minor ashfall at pagsabog ng volcanic gas kaya’t ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island na itinuturing na permanent danger zone. (With reports from Cyrill Quilo and Joyce Fernan)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.