SA gitna na mainit na araw, nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng mga raliyista at mga dispersal unit ng Manila Police District (MPD) makaraang magpumilit ang mga nagpoprotesta na makapasok sa barikada kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa o Labor Day ngayong araw.
Kabilang sa mga nagprotesta ang libo-libong manggagawa na maagang nagtipon-tipon para ipanawagan ang umento sa sahod at pagpapababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ilan sa mga raliyista ay hinarang na sa bahagi ng Recto Avenue para doon na lamang magsagawa ng programa, partikular ang mga miyembro ng Workers Peoples Liberation (WPL) at Kilusang Pambansang Demokrasya.
Isinisigaw din ng mga manggagawa ang trabaho at hindi giyera kundi kapayapaan. Bukod dito, ayaw din nila ng Cha-Cha o Charter Change.
Tinangka pa ng mga nagpoprotesta na makalapit sa Mendiola ngunit hinarang na sila ng mga pulis mula sa Crowd Dispersal Management ng MPD.
Ayon kay WPL secretary general Primo Amparo, ang kanilang ipinapanawagan talaga ay legislated wage increase, partikular ang living wage dahil kailangan ito ng mga manggagawa na masyado nang naiiwan pagdating sa isyu ng pasahod dahil matindi na umano ang epekto ng krisis sa mga manggagawa.
Samantala, sa rally malapit sa embahada ng Estados Unidos at sa may kahabaan ng Kalaw Street, anim na mga nagpo-protesta naman na pawang mga kabataan ang dinakip ng mga pulis, kung saan binomba ng tubig ang mga raliyista na alas-singko pa lamang ng umaga ay nagsimula nang magtipon-tipon at nagsimulang magmartsa pagsapit ng alas-sais ng umaga.
Mayroon ding mga grupo ng raliyista na nanatili sa Raja Soliman sa Roxas Boulevard upang magsagawa ng maikling programa.
Kabilang din sa nagprotesta ang grupong Manibela na nagtungo naman sa Quirino Grandstand upang ipahayag ang hinaing tungkol sa pag-phase out ng lumang jeep.
Ang mga grupong Anakpawis, Migrante , PISTON,KMU, Kabataan partylist, ACTS partylist, Kadamay at iba pa ang nagtungo naman sa Liwasang Bonifacio.
Dahil kaliwa’t-kanan ang protesta sa lungsod, puspusan naman ang pagbabantay ng mga awtoridad upang hindi sila malusutan ng mga raliyista.
Nasa 20,000 miyembro naman ng kapulisan ang ipinakalat upang magbantay sa mga nasabing aktibidad.