DISMAYADO ang isang Barangay Chairman sa ilang tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nakatalaga sa mga control point sa Quiapo area.
Reklamo ni Chairman Johnny dela Cruz ng Barangay 307, sakop ng Quiapo, na maging ang kanyang mga kagawad at tanod na dapat katuwang sa pagpapatupad ng kaayusan at seguridad sa Kapistahan ng Quiapo ay ayaw din papasukin.
Daing ni dela Cruz, sa kabila ng pagkakaroon nila ng “counter sign” sticker na ibinigay at inaprubahan ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) ay pinagbabawalan pa rin silang maglabas pasok sa control point.
Pinuna ni dela Cruz ang mga pulis na dineploy mula NCRPO na aniya ay mga “tolongges” at tila hindi na-briefing ng kanilang mga ground commander base sa naging pag-uusap ng Quiapo church, MPD at ng mga barangay.
Maging ang Barangay 303 umano ay dismayado rin dahil kahalintulad din ang kanilang karanasan.
Samantala, pabor ang tserman sa naging kinalabasan ng Traslacion ngayong taon dahil naging maayos at walang pagod ang mga augmentation force maging ang mga medic team ay gumaan din ang naging trabaho.