Mga pulis-Maynila na suspek sa pagpatay sa Koreano, arestado

Share this information:

Tatlong pulis-Maynila na isinasangkot sa pagpatay sa isang Koreano sa Maysan, Valenzuela City kamakailan, ang naaresto ng mga awtoridad sa Malate, Maynila.

Kinilala ni Manila Police District (MPD) Director PBGen. Leo Francisco ang mga naarestong pulis na sina PCpl. Darwin Castillo, PSSgt. Carl Legazpi at PCpl. Samruss Inoc, pawang nakatalaga sa Roxas Boulevard Police Community Precinct (PCP) ng Malate Police Station 9 (PS-9).

Ang mga naturang pulis ay isinasangkot sa umano’y pagpatay sa Korean national na si Sunuk Nam, 55, na natagpuang wala ng buhay sa isang bakanteng lote sa tapat ng St. Angelus Cemetery, Purok 4, Area 6, G. Marcelo St., Maysan, Valenzuela City dakong alas-7 ng umaga noong Pebrero 15, 2021.

Batay sa ulat, dakong alas 3 ng hapon noong Pebrero 21, 2021 nang makipag-ugnayan ang Valenzuela City Police Station at Northern Police District (NPD)-Special Investigation Task Group (SITG) tracker team, na pinamumunuan ni PMaj. Ferdinand Mendoza, kay MPD-PS 9 chief, PLt. Col. Cristito Acohon, para sa isinasagawa nilang hot pursuit operation laban sa mga naarestong pulis.

Natukoy umanong sangkot ang tatlo sa krimen matapos na makaaresto ang Valenzuela City Police ng walong suspek pa sa kaso.

Sa utos umano ni Francisco ay kaagad na ikinustodiya ni Acohon si Inoc sa PCP, habang si Castillo naman ay naaresto ng tracker team sa Quarantine Control Point (QCP) sa Baywalk, Roxas Boulevard.

Naka-duty naman si Legazpi bilang security team member na idineploy sa Mendiola St., San Miguel, Manila, nang arestuhin sa nasabi ring araw.

Ang mga suspek ay kaagad na dinala ng SITG tracker team sa Valenzuela CPS, na matatagpuan sa McArthur Highway, Karuhatan, at ipiniit para sa imbestigasyon at pagsasampa ng kasong murder sa piskalya.

Inamin naman umano ni Inoc na may baril na ipinatago sa kanya si Castillo, kaya’t kaagad na kinuha ito ng mga pulis bilang ebidensiya.

Gagamitin rin namang ebidensiya ang Honda Civic (TGX-292) na pagma-may-ari ni Legazpi, na sinasabing nirentahan umano ni Castillo at kinumpiska habang nakaparada sa tapat ng Roxas Boulevard PCP.

Ayon kay Francisco, may kinalaman sa pera ang motibo sa pagpaslang sa dayuhang Koreano. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Next Post

Subic Freeport ready for Covid-19 vaccine rollout

Tue Feb 23 , 2021
SUBIC BAY FREEPORT – Health facilities and personnel in the Subic Bay Freeport are now ready for the release and distribution here of Covid-19 vaccines under the government’s mass vaccination program. Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman and Administrator Wilma Eisma gave this assurance to Department of Health (DOH) officials […]

Follow Us

%d bloggers like this: