BINIGYANG-LINAW ni Manila Mayor Honey Lacuna na bukas para sa lahat ang mga proyektong pabahay ng lungsod at hindi lamang para sa mga kawani ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Giit ni Lacuna, bukas ang mga proyektong pabahay o vertical housing project ng lungsod sa lahat ng mga kwalipikadong maka-avail nito. Subalit, ang pagpili ng titira sa lahat ng pabahay ay nagdaan o dadaan sa isang tunay, tapat at patas na proseso ng pagpili.
Ayon sa alkalde, walang kinikilingan at walang pinipili ang pamahalaang lungsod sa lahat ng gustong magkaroon ng sariling tahanan sa pamamagitan ng mga proyektong pabahay. Kailangan lamang ay makipag-ugnayan sa Manila Urban Settlements Office (USO) ang sinumang may interest na mag-avail ng pabahay.
“Makakasiguro kayo na bawat pamilyang Manilenyo ay mamumuhay ng may dignidad at pag-asa para sa kanilang pamilya,” tinuran nito sa inagurasyon ng San Sebastian Residences at makabagong health center nitong Huwebes.
Samantala, pinasalamatan din ni Mayor Lacuna si Manila 3rd District Rep. Joel Chua dahil sa ibinibigay nitong suporta at sinabing ang tunay na solusyon ay nasa totoong nagmamalasakit at pagtutulungan at epektibong pamamahala.
Nitong Martes, pinasinayaan na rin ni Mayor Lacuna ang Pedro Gil Residences at Pedro Gil Health Center kasama naman si 5th District Rep. Irwin Tieng.
Sa naturang mga pagpapasinaya, sinabi ng alkalde na inatasan nito si Manila Vice Mayor Yul Servo -Nieto at tanggapan ng USO na baguhin ang sistema ng pabahay sa lungsod.

