ISANG “would-be surrogate mother” ang nasagip ng mga tauhan ng Bureau of immigration (BI) matapos maharang ng mga ito ang ginang, na sinasabing na-recruit sa pamamagitan ng isang dating app.
Ayon sa BI, naharang ang 34 anyos na ginang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 na di-umano’y nakatakda sanang sumailalim sa isang in vitro fertilization (IVF) procedure noong Enero 14.
Ang biktima ay nagtangkang sumakay ng Turkish Airlines flight patungong Cyprus.
Una niyang sinabi na siya ay solo traveler para sa leisure trip ngunit pinigil ito matapos hindi sinasadyang maipakita ang isang imbitasyon ng IVF clinic na sumasalungat sa kanyang kuwento.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, natuklasan na pumayag ang biktima na maging surrogate mother para sa isang tao na kanyang nakilala sa dating app kapalit ng pangakong P300,000 na bayad matapos manganak.
“The scheme continues to thrive, leading to a rise in online offers for surrogacy or IVF-related services, with victims often coerced into passing certain laboratory assessments,” sabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.
“We warn females not to be tempted to agree to such schemes as this is a clear form of trafficking,” dagdag pa ng opisyal.
Ang kaso ng biktima ay isinangguni na sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).

