ISASALANG din sa swab test ang mga preso na nakadetine sa Manila Police District Station 11 sa Binondo, Maynila matapos magpositibo ang 56 pulis na nakatalaga sa nasabing presinto.
Ayon kay Col. Raul Tacaca, inaayos na ang schedule ng swab test ng mga preso upang matiyak na hindi kumalat ang COVID-19infection.
Sa kasalukuyan ay minomonitor na ang mga preso bagamat wala naman nakikitaan ng sintomas ng COVID-19.
Lunes ng hapon ng isailalim sa lockdown ang buong presinto matapos maitala ang 56 na mga kaso ng COVID-19 mula Marso 3-14.
Tiniyak naman ni Tacaca na tuloy ang operasyon ng kapulisan dahil mayroong mga dagdag na tropa ng pulis na ipinadala mula sa MPD headquarters.
Gayunman, pinapayuhan ang publiko na iwasan munang pumunta sa Station 11 at magtungo na lang sa MPD headquarters para sa anumang transaksiyon.