Mga Pilipinong hindi nasisiyahan sa K to 12 program, mas dumami pa

Share this information:

MAS dumami pa ang mga Pilipinong hindi nasisiyahan o “dissatisfied” sa K to 12 program ng pamahalaan.

Ang impormasyong ito ay ayon sa lumabas na resulta ng Pulse Asia survey na kinumisyon ni Senator Sherwin Gatchalian.

Nasa 1,200 ang bilang ng mga sumagot sa survey na isinagawa nung Hunyo 24 hanggang 27, 2022.

Base sa survey, 44 percent ang nagsabing hindi sila nasisiyahan sa programa. Kasama na sa bilang na ito ang 19 percent na sila ay “truly dissatisfied,” o iyong mga hindi talaga nasisiyahan, at 25 percent ay “somewhat dissatisfied” o iyong medyo hindi nasisiyahan.

Sa sa nasabi ring survey, 39 percent naman ang nagsabi na satisfied o nasisiyahan sila sa K to 12, at kung saan ang 7 percent ay “truly satisfied” o talagang nasisiyahan at 32 percent naman ay “somewhat satisfied” o medyo nasisiyahan.

Sa kahalintulad na survey noong Setyembre 2019, mas mataas ang bilang ng truly satisfied sa K to 12 batay sa naitala na 50 percent, habang 28 percent lamang noon ang dissatisfied.

Sabi sa survey ng taon ding iyon, 78 percent ang nagsabi na hindi sila nasiyahan sa K to 12 dahil dagdag gastos sa pag aaral.

Batay dito, sinabi ni Gatchalian, na siyang muling magiging chairman ng Senate Committee on Education, na malinaw ang boses ng bayan na hindi sila kuntento sa K to 12 dahil hindi natutupad ang mga pangako nito, gaya ng agad na trabaho pagka-graduate, at naging dagdag na pasanin lang sa mga magulang pagdating sa gastusin at mga mag-aaral.

Lalo rin aniyang napagtibay ang pangangailangan na suriin nang husto ang pagpapatupad ng programa para matupad ang mithiin na de-kalidad na edukasyon ng mga kabataan at paghubog sa kanila para maging competitive.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.