SINAMPAHAN na ng kaso ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang isang netizen na sinunog ang isang P20 bill at ipinost pa ang ginawa nito sa social media.
Sa ginanap na Laging Handa public briefing, sinabi ni Toni Lambino, Managing Director ng BSP Strategic Communication and Advocacy na nakikipag-ugnayan na sila sa Philippine National Police (PNP) hinggil dito.
Binigyang-diin ni Lambino na bawal na bawal ang pagsusunog ng pera dahil mahigpit itong ipinagbabawal ng batas kung kaya hinikayat din nito ang publiko na huwag sadyaing sirain ang mga pera.
Ayon sa batas, ang anumang uri ng pagsira sa pera ng Pilipinas tulad ng paggupit, pagsunog, pagsusulat o pagdrawing sa salapi, banknotes man ito o coins, ay ilegal.
Sinumang lalabag dito ay papatawan ng hindi hihigit sa P20,000 o pagkakakulong ng hindi hihigit sa limang taon.