Breaking News

Share this information:

TUKOY na ng Philippine National Police (PNP) ang ilang personalidad na nasa likod ng ilegal na bentahan ng COVID-19 vaccines partikular sa Mandaluyong City at San Juan City.

Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, una na nitong inatasan ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na tutukan ang kaso at tukuyin ang mga indibidwal sa “underground” sale ng naturang bakuna.

Batay sa backtracking na ginawa ng CIDG, may mga impormasyon na silang nakalap patungkol sa mga personalidad na sangkot.

Gayunman, hindi pa umano ito maaaring idetalye para hindi maapektuhan ang kanilang operasyon.

Base sa report na nakalap ng CIDG, nabibili umano ang vaccination slots sa ibang Local government unit (LGU) gaya sa nabanggit na dalawang lungsod dito sa NCR sa halagang P8,000 hanggang P12,000.

Itinanggi naman ng parehong LGU ang alegasyon at tinawag itong scam.

Giit ni Eleazar, ibayong hirap ang pinag-daanan kasi para makakuha ng bakuna laban sa COVID kaya hindi katanggap-tanggap na pagkakitaan ito.

Pinaalalahanan ng opisyal ang publiko na huwag tangkilikin ang mga nagbebenta ng vaccine slots dahil libre lamang ito sa mga kwalipikadong indibidwal.

Para sa mga may nalalaman sa nagbebenta ng vaccine slots, maaaring dumulog sa e-sumbong at itext sa numerong sumusunod: 0917 847 5757 at 0919 601 752.

DOH nagbabala

Nababahala rin ang Department of Health (DOH) kaugnay sa “underground” sale ng mga bakuna kung kayat nais rin na maresolba sa lalong madaling panahon ang scam.

Ayon kay Health spokesperson Usec Maria Rosario Vergeire, ipinauubaya na nila sa PNP ang imbestigasyon sa sumingaw na isyu patungkol sa ilegal na aktibidad.

Nagsagawa na rin umano sila ng sariling imbestigasyon ukol dito at maging ng pakikipag ugnayan nila sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Hinihikayat naman ni Vergeire na gawin din ang ginawa ng LGU ng Mandaluyong City at San Juan na direktang makipag ugnayan sa National Bureau of Investigation (NBI).

Dagdag pa ni Vergeire na maglalabas na lamang sila ng mga impormasyon sa sandaling may resulta na ang imbestigasyon ng DILG sa pamamagitan ng PNP.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: