Nasa 200 pasyente at staff ng Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center (MDATRC) na matatagpuan sa Fort Ramon Magsaysay sa Nueva Ecija ang ini-ulat na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Dahil dito, pansamantalang isinailalim sa ‘lockdown’ ang buong pasilidad ng mega drug rehab center na nakatirik sa 75,000 ektaryang lupain sa loob ng military camp.
Nabatid sa report na ginawa na rin umanong quarantine facility ang malaking bahagi ng naturang rehabilitation center kung saan naka lugar ang mga pasyenteng mga nalulong sa ilegal na droga.
Agad na nag-utos ang local Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) na itigil muna ang pagtanggap ng mga umuuwing Overseas Filipinos (OFs) na na-repatriate mula sa ibat ibang bahagi ng mundo.
Una ng itinalaga ng National Task Force (NTF) at IATF bilang isa sa mga quarantine facility ang MDATRC para sa mga umuwing OFs na may bed capacity na 2,500.
Hindi pa malaman kung paano nahawa ng nabanggit na virus ang mga pasyente at mga personnel ng MDATRC at kasalukuyan pang nagsasagawa ng imbestigasyon at contact tracing ang mga awtoridad.
Ang MDATRC ay unang binuksan sa pamamagitan ng inagurasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Nobyembre 29, 2016.
IN PHOTO: Ang aerial view ng Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center (MDATRC) sa Fort Ramon Magsaysay sa Nueva Ecija kung saan 200 pasyente at mga tauhan ng pasilidad ang nagpositibo sa COVID-19. Isinailalim sa ‘lockdown’ ang pasilidad upang pigilan ang pagkalat ng virus.