Dalawang co-ed timbog sa ilegal na droga sa Quezon

Share this information:

Kalaboso ang dalawang kabataan sa bayan ng Candelaria, Quezon sa inilunsad na drug buy-bust operation sa Barangay Masin Sur, Sabado ng gabi.

Nabatid sa paunang impormasyon mula sa Candelaria Police na nagpanggap na buyer ng marijuana sa halagang P9,000 ang isang pulis at nakipagkita sa mga suspek na nakilalang sina Vincent Cantos, 19-anyos at John Lloyd de Guzman, 21 taong gulang, pawang mga estudyante sa kolehiyo.

Gayunman, nang magpakilala at magdeklara ang pulis na aarestuhin ang dalawa ay hindi na sila nakapalag.

Nasamsam mula kina Cantos at De Guzman ang ginamit na marked money at umano’y marijuana.

Matagal na umanong binabantayan ng pulisya ang operasyon ng dalawang suspek at maliban sa bayan ng Candelaria ay sinasabing nagbebenta rin ang dalawa sa mga bayan ng Tiaong at Sariaya.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.