PUMALO na sa 6 percent ang unemployment rate o yaong mga nawalan ng trabaho sa Pilipinas.
Base ito sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa buwan ng Mayo 2022.
Ayon kay National statistician Undersecretary Dennis Mapa, katumbas ng 2.93 milyon na walang trabahong mga Pilipino ang 6 percent na unemployment rate nitong Mayo.
Mas mataas ito sa 5.7 percent unemployment rate na naitala noong Abril kung saan nasa 2.76 milyon ang nawalan ng trabaho.
Kabawasan sa mga aktibidad sa sektor ng agrikultura at pagdami ng mga nadagdag sa labor force noong Mayo ang sinasabing ilan sa sinasabing may kinalaman kung bakit marami ang nawalan ng trabaho.
Kung ang datos naman ng pangunahing sektor ang titingnan nitong Mayo 2022, ang sektor ng services pa din ang siyang itinuturing na may pinakamalaking bahagi ng labor force na may 59 percent share.
Nasa 22 percent naman ang share ng sektor ng agrikultura, at ang industry sector naman ay may 19 percent share.