NADAGDAGAN pa ng isa ang bilang ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na namatay dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa huling tala ng PNP, umabot na sa 75 ang nasawi sa virus infection matapos na pumanaw ang 48-anyos na Police Lieutenant na nakatalaga sa Southern Leyte.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, unang nakaranas ng sintomas ng virus ang pulis habang sumasailalim sa pagsasanay para sa Investigation Officers Basic Course (IOBC) at agad na dinala sa ospital.
Noong Hunyo 27, isinailalim siya sa swab test at natukoy na nagpositibo. Plano sana ng kanyang pamilya na ilipat sa iba pang pagamutan sa Ormoc o Tacloban City ang pulis ngunit punuan na ng mga pasyente. Noong alas-11 ng gabi ng Hunyo 30, idineklarang nasawi ang pulis dahil sa severe pneumonia na dulot ng COVID-19.
Sa huling tala ng PNP, nasa 28,118 na ang COVID-19 cases sa PNP makaraang madagdagan ng 156 na bagong kaso.
Nasa 26,315 na ang gumaling ngunit mayroon pang 1,728 ang aktibong kaso.
Sa ngayon sinabi ni Eleazar na aabot pa lamang sa 18 porsiyento ng mga tauhan ng PNP ang nabakunahan laban sa COVID-19.