NASA kabuuang 215,997 na ngayon ang bilang ng mga healthcare worker at hospital staff na nabakunahan kontra COVID-19.
Batay sa tala ng Department of Health (DOH) as of March 15, 2021, ang nasabing bilang ay 38 percent ng mga kailangang mabakunahang medical frontliners sa bansa para sa unang dose.
Siyamnapu’t anim na porsyento ng mahigit isang milyong available doses ng COVID-19 vaccines ang naipamahagi na sa 929 vaccination sites sa 17 rehiyon sa bansa na patuloy ang pagbabakuna.
Pinakamaraming nabigyan ng alokasyon ng bakuna ang National Capital Region na may 278,870 doses; sumunod ang Region 7 na 110,760 doses at sa Region 4-A na 91,200 doses.
Iniulat din ng DOH na kahit umano ang dulong Hilaga at dulong Katimugang bahagi ng bansa at mga isla ay napadalhan ng COVID-19 vaccines para iturok sa medical frontliners.
Nananatili namang tiwala ang DOH at National Task Force Against COVID-19 na bibilis at darami pa ang mababakunahan sa sandaling dumating na ang bulto ng mga bakuna.
(Photo credit: DOH website)

