Mga motorista nagkukumahog sa pagkuha ng RFID sa expressways

NAGKUKUMAHOG pa rin ang maraming motorista sa pagkuha ng RFID sa mga expressway sa harap ng itinakdang implementasyon ng cashless payment simula sa Nobyembre 2.

Inabot ng mahigit isang kilometro ang haba ng pila ng mga sasakyan sa C-5 sa Taguig City ngunit ang ilan sa mga ito ay walang drayber kaya’t nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko sa lugar.

Nagkumpulan kasi ang mga drayber sa SLEX-C5 toll plaza para kumuha ng RFID na ang iba ay inabot ng anim na oras ang proseso.

Bagamat may inilabas na listahan ang Department of Transportation sa iba pang RFID installation booths, sarado ang iba rito habang ang ilan ay may cut-off na 100 RFIC stickers lang kada araw.

Sinasadya ng marami ang SLEX-C5 toll plaza dahil 24 oras ang operasyon nito.

Samantala, sa North Luzon Expressway o NLEX na bagamat mahaba ang pila pero nasa 15-minuto lang ang itinatagal.

Ayon naman sa Toll Regulatory Board, hindi dapat mag-alala ang mga motorista dahil may itatalaga silang RFID installation lanes sa bawat toll plza para makabitan ng RFID ang mga wala pa nito kahit lagpas na ng Nobyembre 2.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.