MAHIGPIT ng ipapatupad ng Quezon City government ang kanilang ordinansa sa pagbabawal sa mga menor de edad sa mga pampublikong lugar sa lungsod.
Kasunod ito sa paglagda ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang Ordinance No. SP-2985, S-2020 o ang “Quezon City Special Protection of Children against COVID-19” na isa ng ganap na batas ng lungsod.
Ang naturang ordinansa ay bilang paghihigpit at pagbabawal sa lahat ng nasa edad 17 taong gulang pababa sa lahat ng public places kahit may kasama pa silang magulang o guardians.
Layunin nitong panatilihin sila sa mga bahay at maipairal ang “Children Protection Hours” o 24 hours a day, seven days a week.
Ipinasa ang ordinansa batay sa rekomendasyon ng Philippine Pediatric Society na nagsasabing malaki ang tyansang mahawa sa COVID-19 ang mga menor de edad.
“Ang Ordinansang ito ay batay sa rekomendasyon ng mga dalubhasa sa Philippine Pediatric Society na kailangang manatili ang mga menor-de-edad sa mga tahanan dahil malaki ang tsansa na sila’y mahawa,” ani Belmonte.
Kabilang sa tinukoy na mga pampublikong lugar ay mga kalye, highway, sidewalks, parking lots, vacant lots, at common areas sa simbahan, apartment, buildings, office buildings, hospitals, schools, malls o shopping centers, commercial establishments at lugar ng entertainment gaya ng sinehan.
Inilatag naman ang sumusunod na exemptions:
– kung ang menor de edad ay gagawa ng authorized employment activity na nangangailangan physical presence pero dapat kasama ang magulang o guardian
– Kung mangangailangan ng medical attention o may medical/dental appointments pero dapat kasama ang magulang o guardian
– Mayroong international o domestic air/sea travel
– kailangang bumili ng essential goods
– may emergency situation gaya ng conflagration, earthquake, hospitalization, road accident, o iba pang sitwasyon na nangangailangan ng immediate action.
Ang mga magulang o guardians ng mga menor de edad na lalabag ay pagmumultahin ng P300, P500 at P1,000 para sa first, second at third violations.