BIBIGYANG ng pamaskong groceries at wellness kits ang nasa 2,536 medical frontliners ng Makati Health Department, Ospital ng Makati, at Incident Command Post (ICP).
Nakalagay sa bawat wellness kit ang grocery items, isang juice box na may kasamang reusable tumbler, isang dosenang donuts at food voucher na nagkakahalaga ng P500.
Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, ito ay isang paraan upang maipadama ng lungsod ang pagpupugay at taos-pusong pasasalamat sa lahat ng sakripisyo at kontribusyon ng medical frontliners sa epektibong pagtugon nito sa mga hamon ng pandemya.
Sisiguruhin naman na magiging ligtas at susundin ang health protocol sa pagbibigay ng wellness kits sa mga nasabing tanggapan ng mga medical frontliners.
Bukod sa pagbibigay ng sapat na personal protect equipment (PPE), hazard pay, libreng shuttle services, bitamina, flu at pneumonia vaccine, at libreng mass testing para sa mga essential workers, inaprubahan din ng lungsod ang pagpapataas ng sahod ng mga nurses at pagkuha ng karagdagang medical workers sa Makati.
Samantala, upang tuloy-tuloy naman ang pagbibigay serbisyo ng mga regular at contractual employee ng Makati City government, bibigyan naman ng emergency kits o “Go Bag” na nasa P8,000 .
Tiniyak ng alkalde na handa laban sa sakuna ang mga frontliner at kawani ng lungsod lalo na sa panahon ng pandemya sa pamamagitan ng emergency kit for employees. Ang bawat kit ay naglalaman ng mga bagay na makatutulong sa isang tao sa loob ng 72 oras matapos ang sakuna.
Kabilang sa laman ng go bag ang towellettes, emergency water, pouches, 12-hour light stick, food bar, multi-purpose thermal blanket, face mask at ID holder na may lanyard.