Mga lehitimong batang Pilipino, pupuwedeng gumamit ng apelyido ng kanilang ina – SC

Share this information:

MAAARI nang gamitin ngayon ng mga legitimate na batang Pilipino ang apelyido ng kanilang ina sa pagka-dalaga.

Kasunod ito ng naging desisyon ng Korte Suprema sa kaso ni Anacleto Ballaho Alanis III na naghain nuon ng petisyon sa Branch 12 ng Zamboanga City Regional Trial Court pero nabasura.

Si Anacleto ay lehitimong anak nina Mario Alanis at Jamilla Ballaho na sinasabing naghiwalay nuong limang taong gulang pa lamang ang petitioner.

Sa kanyang petisyon, iginiit ni Anacleto na maalis ang apelyido ng kanyang ama at sa halip ay gamitin ang apelyido sa pagkadalaga ng kanyang ina dahil ito rin ang kanyang ginagamit simula pagkabata.

Ninais din nitong mabago ang kanyang pangalan mula Anacleto ay gagamitin nito ang Abdulhamid.

Katwiran ng petitioner, tanging ang kanilang ina lamang ang bumuhay at nagpalaki sa kanilang magkakapatid.

Sa 15-pahinang desisyon na inakda ni Justice Marvic Leonen, binigyang-diin nito na ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang pagkakapantay-pantay o equality ng babae at lalaki.

Nagkamali umano ang Mababang Hukuman nang ikatwiran na hindi pupuwedeng gamitin ng legitimate children ang apelyido ng kanilang ina dahil kontra ito sa polisiya ng Estado.

Ipinunto pa sa desisyon na sa probisyon ng Saligang Batas, nasasaad lamang na ang legitimate child ay “principally” o pangunahing gagamitin ang apelyido ng kanyang ama ngunit hindi ibig sabihin nito na ekslusibo o ito lamang ang pupuwedeng dalhing apelyido ng bata. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.