Mga kwalipikadong Valenzuelano, nakatanggap ng livelihood assistance

Share this information:

NASA 246 na mga kwalipikadong Valenzuelano ang nakatanggap ng livelihood assistance sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development Office (DSWD).

Ang Livelihood Assistance Grant (LAG) ay isa sa mga pagsisikap ng pambansang pamahalaan pagdating sa rehabilitasyon upang matulungan na makabawi ang mga karapat-dapat na indibidwal na ang mga kabuhayan ay naapektuhan ng COVID-19.

Ito ay yaong mga gustong magtayo ng proyektong pangkabuhayan o mayroon nang microenterprises at maliliit na negosyo ngunit kapos sa puhunan o naubos ang kanilang kapital habang nilalabanan ang pandemya. Ang LAG ay isang pinansiyal na suporta na may maximum na P15,000 na magsisilbing seed capital.

Ang mga benepisyaryong Valenzuelano ay mula sa District 1 at 2 ay napili at sumailalim sa assessment at validation ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng lungsod.

Isa lang po ang pakiusap ko sa inyo, gamitin nang maayos. Huwag nating sayangin. Gamitin ninyo para sa inyong kabuhayan, pang araw-araw. Limitado lang ang ating pondo kaya sana magamit nang maayos.” ayon kay CSWDO Head Dorothy Go Evangelista.

Ang SLP ay isa sa mga pangunahing programa ng DSWD na naglalayong magbigay ng mga serbisyo upang palakasin o maibigay ang kakayahan, kasanayan, at karanasan ng isang indibidwal sa paghahanap-buhay at pagnenegosyo. Itinataguyod ng SLP ang pagtaas ng antas ng pamumuhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagsasanay, kagamitan, at kapital upang makapagsimula ng negosyo.

Bukod dito, naroon din ang mga kinatawan mula sa tanggapan ni Senador Bong Go upang magbigay ng karagdagang impormasyon tungkol sa Malasakit Centers Act. Inanunsyo nila na sa pamamagitan ng Malasakit Centers na itinatag sa loob ng nasa 150 government hospitals sa buong bansa, ang mga indigent at financially incapacitated na mga pasyente ay maaaring mag-apply at humiling ng tulong medikal at pinansyal.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.