INIULAT ng Department of Health (DOH) na nasa 92,343 na ang bilang ng mga napaulat na kaso ng dengue sa bansa mula Enero 1 hanggang Hulyo 23, 2022.
Nasa 344 naman na kaso ng nasawi dahil sa dengue, ayon pa sa ahensiya.
Sinabi nitong ang kasalukuyang bilang ng kaso ng dengue ay mas mataas ng 118 porsiyento kumpara sa bilang na naiulat sa kaparehong panahon noong 2021 na nasa 42,294 lamang.
Ayon sa datos na ipinalabas ng DOH, pinakamataas ang kaso ng dengue sa Region 3 na umabot sa 15,951 o 17 porsiyento, sinundan ng Region 7 na umabot naman sa 9,429 o 10 porsiyento at pumangatlo naman ang National Capital Region (NCR) sa dami ng kaso na umabot sa 7,962 o 9 na porsiyento.
Nito lamang Hunyo 26 hanggang Hulyo 23, 2022, umabot na sa 21,566 ang kaso ng dengue kung saan pinakamataas ang naitalang kaso sa Region 3, na sinundan ng NCR at ng Calabarzon
Siyam naman sa 17 rehiyon sa bansa ay lumagpas na sa tinatawag na “epidemic threshold” sa loob na apat na linggo, kung saan nakitaan ang Mimaropa at NCR na napanatili nito ang papataas na trend mula Hunyo 26 hanggang Hulyo 23, 2022.

