INIHAYAG ng Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH- MMCHD) na patuloy na tumataas ngayong taon at maaaring tumaas pa sa mga susunod na linggo ang mga kaso ng dengue at leptospirosis sa National Capital Region (NCR) kasunod ng pagbaha na dala ng mga nagdaang bagyo,
Ayon kay Mary Grace Labayen ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng DOH-MMCHD na naabot na ng Metro Manila ang alert threshold para sa dengue sa rehiyon.
Sinabi nito na apat na local government unit gaya ng Marikina, Quezon City, Manila, at Pateros ang umakyat na sa epidemic level.
Paliwanag ni Labayen, kapag naabot ang alert threshold ay nangangahulugan na mas mataas ito kaysa sa normal na mga kaso.
Ang kabuuang 24,232 kaso ng dengue cases ay naitala sa NCR mula Enero 1 hanggang Oktubre 26, 2024—humigit-kumulang 34 percent na mas mataas kaysa sa 18,020 na bilang ng mga kaso na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Animnapu’t anim na indibidwal naman sa NCR ang namatay na dahil sa dengue ngayong 2024. Karamihan sa mga kaso ay mula lima hanggang siyam na taong gulang at karamihan sa kanila ay lalaki.
Nakapagtala rin ang Quezon City ng pinakamaraming kaso ng dengue sa 6,208, habang ang Pateros ang may pinakamataas na attack rate.
Pagdating sa leptospirosis, sinabi ni Labayen na ang Metro Manila ay nananatiling mababa sa alert threshold, ngunit limang local government unit ang umabot na sa epidemic level gaya ng Caloocan, Quezon City, Navotas, Pasay, at Taguig.
Nasa kabuuang 2,734 na kaso ng leptospirosis ang naiulat na sa NCR sa taong ito o 90 percent na pagtaas mula sa 1,432 noong nakaraang taon.
Nasa 216 na mga tao ang namatay na din sa rehiyon dahil sa sakit, o 7.90 percent na rate ng kaso ng pagkamatay.
Sinabi ni Labayen na dahil sa matinding pag-ulan at pagbaha dulot ng Severe Tropical Storm Kristine at Super Typhoon Leon, inaasahang tataas pa ang kaso ng dengue at leptospirosis sa NCR sa mga susunod na linggo.