ISANG bagong slaughterhouse at animal shelter at pet clinic ang binuksan na sa Vitas, Tondo sa lungsod ng Maynila.
Ang bagong pasilidad ay para mapanatili ang sariwang suplay ng karne at maayos na pag-aalaga ng mga alagang hayop sa lungsod na siguradong mapapakinabangan ng mga residente ng lungsod, ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na siyang nanguna sa pagpapasinaya ng nasabing pasilidad.
Ayon kay Lacuna-Pangan, inaasahang magiging kalidad at bago ang mga karne na ibebenta sa merkado sa Lungsod. Ito ay dahil sertipikado ng meat inspection representative ang lahat ng mga karneng baboy at baka na ibebenta sa mga palengke sa Maynila.
Samantala, ang Manila Animal Shelter and City Pound ay magbibigay ng libreng serbisyo sa mga alagang hayop tulad ng libreng check up, pagpapagamot at bakuna tulad ng anti-rabies.
Ayon naman kay Dr. Nicanor Santos Jr., OIC ng City Veterinary and Meat Inspection Board, fully air conditioned ang bagong pasilidad at kumpleto sa mga makabagong kagamitan.
Huhulihin naman ng lungsod ang pakalat-kalat na mga alagang hayop tulad ng aso at pusa at dadalhin sa city pound kung saan sila maaalagaan at handa ring ipaampon sa mga may kakayahan na mag-alaga ng hayop.
Ang bagong animal shelter at city pound ay mayroon na ring crematory para sa mga hayop na namatay at hindi na kailangan pang ibaon kung saan-saan.

