Mga kaso ng Delta variant, tumaas; Lambda variant, tukoy na

PATULOY pang tumaas ang bilang ng mga kaso ng Delta variant ng COVID 19 sa bansa makaraang madagdagan muli ng 182 pang mga kaso sa isinagawang sequencing ng University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC).

Kinumpirma din ng Department of Health (DOH), UP-PGC at ng University of the Philippines-National Institutes of Health (UP-NIH), na mayroon nang natukoy na kauna-unahang kaso ng Lambda variant of interest (VOI) na may lineage na C.37 na nadiskubre sa isang 35 taong gulang na babae at kasalukuyang biniberipika pa kung ito ay lokal o Returning Overseas Filipino (ROF) case.

Asymptomatic naman ang isang kaso at na-tag nang recovered matapos sumailalim sa 10 araw na isolation.

Kasalukuyan na ring nagsasagawa ang DOH ng backtracking at imbestigasyon.

Ang Lambda variant ay unang natukoy sa bansang Peru noong Agosto 2020.

Ito ay klasipikado bilang VOI ng World Health Organization (WHO) noong Hunyo 14, 2021.

Sinabi ng DOH na ang naturang VOI ay may potensiyal na makaapekto sa transmissibility ng SARS-CoV-2 at kasalukuyang minu-monitor para sa posibleng clinical significance nito.

Para naman sa karagdagang Delta variant cases, 112 ang local kung saan ang 42 rito ay may address na National Capital Region, habang 36 na kaso ang may address na Central Luzon, 8 sa CALABARZON at 6 sa MIMAROPA, 6 sa Northern Mindanao at 4 sa Central Visayas, 3 kaso sa Davao Region, 3 sa Carag, 2 sa Western Visayas at tig-1 kaso sa Cordillera Administrative Region at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Mayroon ding 36 ROFs at 34 na kaso na biniberipika pa.

Sa ngayon umabot na sa kabuuang 807 ang Delta variant ng COVID-19 sa bansa.

Sa ulat pa ng DOH, mayroon ding natukoy na 41 Alpha variant cases kaya mayroon  na itong kabuuang 2,232 na mga kaso.

Nadagdagan din ng 66 ang kaso ng Beta variant kaya umabot na rin sa 2,483 ang naturang kaso ng variant sa bansa.

Ang P.3 variant case naman ay  nadagdagan din ng 40 sa pinakahuling batch ng whole genome sequencing kung saan lahat ng kaso ay na-tag bilang recovered.

(May karagdagang ulat mula kay Jonah Aure)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.