‘Restrictions of movements’, ipaiiral sa isang barangay sa ‘Gapo dahil sa pagsirit ng kaso sa Covid-19

Share this information:

SIMULA bukas araw ng Lunes, August 16, 2021 paiiralin ang “restrictions of movements” sa isang barangay sa lungsod ng Olongapo dahil sa biglaang pagsirit ng kaso sa coronavirus disease.

Base sa anunsyo ng Barangay Barreto na ipinalabas ngayong hapon, nasa mahigit 300 kaso na ng nabanggit na virus ang naitala ng City Health Office habang nasa 20 aktibong kaso sa nabanggit na lugar.

Pinaniniwalaan din na may halong Delta variant ang kaso dahil sa napakabilis umano ng pag-akyat ng bilang nito. 

Punuan na rin ang public at private hospitals sa barangay at maging sa mismong bayan nito.

Kaugnay nito ay nanawagan ang punong barangay na si Gie Baloy sa mga residente na manatili na lamang sa kani-kanilang tahanan at umiwas na mangapit-bahay, makipag-inuman, maki-party at laging magsuot ng face mask, face shield at magwisik ng alcohol sa kanilang kamay at katawan.

Ayon kay Baloy, may ilang kanto ang lalatagan ng quarantine checkpoint at hindi papayagang makapasok ang hindi residente ng barangay maliban na lamang kung Authorized Person Outside of Residence o APOR.

Tanging ang mismong barangay hall at ng police station lamang ang magiging pick-up at drop off point ng mga delivery riders.

Humingi ng pang-unawa ang kapitan sa publiko dahil sa malaking abala na maidudulot nito pero para sa kaligtasan ng lahat.

Hindi naman binanggit ng opisyal kung hanggang kailan magtatagal ang pagsasailalim sa klase ng restriction ang lugar.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.